Nag-plagiarize lang ako-ginaya ko si TIto sOtTo

Sotto nagalit, nalungkot sa pag–plagiarize sa kanya ni Kennedy

 September 6, 2012 4:12pm


WANBOL CAMPUS, Cubao – Galit, gulat at matinding lungkot ang naramdaman ni Senador Vicente Sotto III sa exposé na dinugas ng nasirang Robert F. Kennedy ang kanyang talumpati na isinulat niya noong Dekada ’60.

“Nalulungkot ako,” sabi ng senador sa Wanbol News Service. “Masakit.”

Unang pinalabas ng kanyang mga kaaway na si Sotto ang nandugas.

Subalit sa eksklusibong pakikipanayam sa WNS, lumabas ang totoo. Baligtad pala ang kuwento: Si Kennedy, na pinatay sa isang asasinasyon noong 1968, ang nag-plagiarize.

Ganito ang nangyari.

Taong 1966. Panahon ng maraming kaguluhan sa mundo. Tumigil muna sa pag-aaral si Sotto upang maglakbay at magsiyasat nang mas lubusang maunawaan ang mga kaganapang nangyayari sa Pilipinas at sa iba pang bansa.

Dinala siya ng kanyang paglalayag sa Capetown, South Africa, na noo’y nalulugmok sa mapaniil na rehimen ng apartheid. Dito niya unang nakilala si Kennedy, isa na noong ginagalang na senador mula sa Estados Unidos.

“Pareho kaming nababahala sa takbo ng kasaysayan, sa kawalan ng hustisya at kalayaan,” kuwento ni Sotto. “Kamamatay lang ng kapatid niya. Matindi ang banatan sa isyu ng civil rights at pagkakapantay-pantay sa Amerika. Sa Pilipinas naman, nag-aalsa ang mga kabataang tumututol sa isang sistemang mapanlait.”
Sa isa sa kanilang mga kuwentuhan, noon Hunyo 5, 1966, nabanggit ni Sotto ang isang talumpating matagal na niyang binubuo sa isip niya.
“Oh, sorry Bobby. I forgot you don’t speak Tagalog. Let me translate for you.”
Noong narinig ni Kennedy ang talumpati sa Ingles, namangha ang Amerikano.
“That’s beautiful, Titoh. Really lyrical. Mind if I take notes?”
“Why, of course, Bobby.”
Iyon ang huli nilang pagkikita. Hindi na niya nasundan ang nangyari kay Kennedy pagkatapos noon. Nabigla na lang siya noong pumutok ang balitang pinatay siya.
Samantala, patuloy na nabubuo sa isip ni Sotto ang talumpating alam niyang nais niyang bigkasin balang araw.
Unti-unti, kanya itong kinikinis, pinapatalas, hinuhubog, habang hinihintay ang pagkakataong ipahayag sa bayan ang kanyang walang katapat na pagnanais na maglingkod, ang kanyang walang kupas na paniniwala sa tibay ng loob ng Pilipino, ang kanyang walang humpay na pagsisikap na matamo ang isang mapayapa at masaganang buhay para sa buong sambayanan.
At noong Setyembre 5, sa umiinit na debate sa RH Bill, dumating ang panahong ito. Sa wakas, narinig ng buong bayan, ng buong mundo ang kanyang matagal nang pinag-iisipan nang malalim.
“Iilan ang magiging dakila sa pagbali ng kasaysayan, subalit bawat isa sa atin ay maaaring kumilos, gaano man kaliit, para ibahin ang takbo ng mga pangyayari. Kapag pinagsama-sama ang ating munting pagkilos, makalilikha tayo ng totalidad na magmamarka sa kabuuan ng kasaysayan ng henerasyong ito.”
Kay lawak ng pananaw. Kay tindi ng damdamin. Kay lalim ng nag-uumapaw na pagmamahal, hindi lamang sa bayan, kundi sa buong santinakpan.
Subalit, ganoon na lang ang kanyang pagkagulat nang ipaalam sa kanyang ginamit pala ni Robert Kennedy – sa Ingles lang nga – ang kanyang mga salita, ang talumpating kay tagal niyang pinaghirapan.
Noong Hunyo 6, 1966, isang araw matapos ng huli nilang pagkikita ni RFK, nagbigay ng isang talumpati ang Amerikano na kopyang kopya ang mga salita ni Sotto.
“Few will have the greatness to bend history, but each of us can work to change a small portion of the events, and the total—all these acts—will be written in the history of this generation. It is from numberless diverse acts of courage such as these that the belief that human history is thus shaped.”
Nabigla si Sotto. Nasindak. Nagalit sapagkat matatag ang kanyang paniniwala sa paggalang at pagkilala sa likha ng iba. Napakasakit na kataksilan.
Pero nalungkot din siya. Paano ito magagawa ng isang kaibigan, ng isang dakilang lider, ng isang kaalyado sa pakikibaka para sa hustisya at kalayaan?
Subalit sa kabila ng lahat, handang bitawan ni Sotto ang kanyang pagkalungkot, ang kanyang pagkabalisa, ang kanyang galit.
Malinaw kung bakit. Ipinaliwanag niya sa Wanbol News Service:
“Kailangang unawain ang nangyari sa konteksto ng mga panahong iyon.
“Sa kabila ng lahat, dapat kilalanin ng buong mundo ang kabutihan ni Robert Kennedy.
“Buong tapang niyang pinaglaban ang mga karapatan ng mga mahihirap at minoridad sa Estados Unidos.
“Tinutulan niya ang isang di-makatarungang digmaan sa Biyetnam …
“Kinampihan niya ang mga mahihirap, pati na ang mga magsasakang Mexicano at Pilipino, at

ipinaglaban at itinaguyod ang mga karapatan ng uring manggagawa.

“Tinuro niya sa atin na kelangang huwag nating tanungin kung anong magagawa para sa atin ng ating bayan…
“Tito Sen…”
“… ang tanong dapat ay kung anong magagawa natin para sa bayan natin …”
“Boss.. Tito Sen…”
“Sinabi niyang sa lahat ng nakikibahagi sa ating mga pinaglalaban, patuloy ang pakikibaka, matatag ang mga adhikain…
“Sir Tito… Senator…”
“… buhay ang pag-asa, at hinding-hindi mamamatay ang ating panaginip.”
“TITO SEN!”
Nagising bigla ang senador: “Huh, hmm, ano, gising na ‘ko? Anak ng tinapay, Hector, ang ganda pa naman ng panaginip ko. Bakit ba?”
“Sori boss. Pero may problema kasi e.”
 “Ha — ano?”
“Boss – nabisto na naman tayo.”
[Cue music:]
“Ahaha…  Ahuu… Yeah Iskul Bukol…
“Ahaha…  Ahuu… Yeah, Iskul Bukol…’
“Iskul, Iskul, Iskul Bukol…”

On Twitter @KuwentoPimentel. On Facebook at http://www.facebook.com/benjamin.pimentel
[Sourse]
Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s